(Makokolekta ng gobyerno) P1-B BUWIS SA ONLINE SABONG (Sabong Arena)
Genre
Online Sabong
Keywords
Online Sabong
Article ID
00000714
ISINUSULONG ni House Committee on Ways and Means Chairman at Albay Rep. Joey Salceda na buwisan na rin ang mga electronic sabong at iba pang mga pustahang laro na ginagawa na rin sa online.
Sa House Bill 7919 o ang “Offsite Betting Activities on Locally Licensed Games”, ipinanukala ni Salceda na buwisan na rin ang online-betting activities upang maging transparent at accountable ito sa gobyerno.
Paglilinaw ni Salceda, ang mga operasyon ng sabong at iba pang betting games ay ligal naman salig na rin sa mga local ordinance, ngunit itinuturing naman ng kongresista na ‘gray area’ ang electronic na aspeto nito.
Dahil ang operasyon ng online sabong at iba pang electronic-betting activities ay hindi nababantayan ng pamahalaan, hindi rin nakasisingil ng buwis sa ganitong mga aktibidad.
Layunin din ng nasabing pagpapataw ng buwis na makalikom ang pamahalaan ng dagdag na kita na gagamitin sa pantugon sa COVID-19.
Tinatayang 5 porsiyento ang ipapataw na buwis na kukunin sa gross revenues mula sa online betting activities ng locally licensed games.
Inaasahang P1 billion naman ang inisyal na kita na makokolekta rito ng pamahalaan.
Hindi naman kasama rito ang games at activities na regulated at pinapayagan sa ilalim ng government gaming authorities tulad ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) at Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO). CONDE BATAC
Source: pilipinomirror.com