Sabong - Philippine Cockfight (Sabong Arena)
Genre
Sabong Arena
Keywords
Sabong
Article ID
00000421
Itinuturing na isang “madugong panoorin” o marahas na laro ang sabong.
Bukod pa, nauuwi ito sa bisyong katulad ng sugal at ikinasasawi ng kabuhayan ng maraming pamilya. Marami nang komentaryo laban sa sabong at may mga pangtatangkang ipagbawal ito ngunit sa halip mapigil ay higit pang lumaganap sa buong kapuluan.
Tatak ng isang nakaririwasang bayan ang isang malaki at kongkretong sabungan at ang pagdaraos ng maringal na pintakasi kung Linggo at lalo na kung pista ng patron ng bayan.
Sa sabong, pinaglalaban ang dalawang tandang na manok hanggang mamatay o tumakbo ang isa sa mga ito.
Ang maliit na okasyon sa pagsasabong ay tinatawag na tupada at idinadaos lamang sa isang bakuran. Ang totoo at dinadayo ng mga sabungero ay ginaganap sa isang estruktura na may pabilog na ruweda sa gitna at naliligid ng mga hanay ng upuan para sa mga sabungero.
Sa loob ng ruweda pinaglalaban ang dalawang mandirigmang manok na may tarì o patalim na mahigpit na nakatali sa binti. Ang mga tandang ay matagal na inalagaan upang bumagsik at humusay na pakikipaglaban. Pinagpapares ito ng isang dalubhasa sa anyo at katangian ng tandang at tinatawag na tahor.
May tinatawag namang sentensiyador na nangangasiwa sa bawat laban at nagpapasiya kung tabla o kung may panalo sa naglaban. Sa mga panig ng sabungan ay may tinatawag na krísto at nangangasiwa sa mga pusta at uri ng pustahan bawat laban. Ang krísto rin ang nagsasaayos ng bayaran pagkatapos ng laban.
Sa Noli me tangere ay nag-ukol si Rizal ng isang kabanata na sabungan ang tagpuan. Itinanghal din niya ang kasawiang idinudulot nitó sa maralitang pamilyang Filipino. Ngunit tulad ng nabanggit na, tila mahirap mapigil ang sabong. May mga espesyal pa ngayong lahi ng manok na propesyonal na inaalagaan sa tila rantso ng tandang. May mga derby din ng mayayaman at umaabot sa milyong pisa ang pustahan, gaya ng ginaganap sa Araneta Coliseum. Maraming politiko ang gumagamit ng sabungan para mangampanya.
Pinagmulan: NCCA Officia